Ibinulong ko sa hangin ang laman ng aking damdamin. Kami ba'y pinagtagpo upang paghiwalayin? Magagalit ba ako o sa kaniya'y magtatampo? Sa gagawin niyang paglisan, ako'y nalilito. Matitiis niya bang iwanan ang kay sayang nakaraan, ang pangako ng pag-ibig na magpakailanman? Mga pangarap namin na langit ang kapantay, paano na matutupad kung siya ay mawawalay? Sa bawat pagsubok kami ay tumibay, ang aming pagmamahalan hanggang sa paghimlay. Ang aming tagpuan na puno ng mga alaala, sino na ang susuyuin kung wala na ang sinta? Hindi ko man aminin, hindi ko malilihim ang lungkot na itinatago'y mababakas pa rin. At kung kami ay itinadhana na magkalayo, wala na kong magagawa, magtitiis na lang ang puso.
Marahil ay dapat kong buksan ang aking pang-unawa, maging masaya sa kabila ng pagluha. Sa gabing kay lamig, sino na ang yayakapin? Kapag nababato, sino na ang kakausapin? Hahanap-hanapin ko ang iyong paglalambing na parang mainit na kape sa umaga paggising. Mga istorya niyang tila kumikiliti sa akin, at nagsisilbing gamot sa oras na ako'y topakin. Mahal ko siya, at ito'y alam niya. Wala akong hinangad kungdi gumanda ang buhay niya, kaya walang dahilan upang ako'y maghinagpis. Pipilitin kong sumaya sa araw ng kaniyang pag-alis. Aking pipigilan ang pagpatak ng mga luha at lalabanan ko ang lungkot at pagdurusa. Wala mang katiyakan sa kaniyang pagbabalik, kaya sa kaniyang alaala na lamang ako ay hahalik.
Ako'y niyakap niya ng pagkahigpit-higpit upang mabawasan ang nadarama kong sakit. Napakabilis parang kisap-mata. Dati ay kapiling ko siya pero ngayon mawawala na siya. Walang nagawa kungdi ang kawayan, sa paglipad ng eroplano'y pinagmamasdan ko na lang. Tanging sa gunita ko na lang siya makakasama at doon namin itutuloy pag-ibig naming kay ligaya.
At nang sumapit na nga ang araw ng kaniyang paglisan, na kung saan kailangan na naming magpaalam. Ako'y nagpapanggap na masaya at handa. Sa kaniyang pagkawala, ang totoo, ako'y nababahala. Pareho naming pinipigilan ang sarili, ngunit ang mga luha'y pumatak sa aming mga mata na wari'y nagsisisi. At marahan niyang hinawakan ang aking pisngi, sa huling pagkakataon hinalikan niya ang aking labi.
Paalam na aking sinta, hangad ko lang naman ay ang lumigaya ka.
Wagas na pag-ibig, sana ay ihandog na. Paalam na.
2 comments:
way back 2002 ang alam ko kanta to.nawala lang yung cassette tape ko nito
Akala ko di ko na makikita yung lyrics nung kanta na to, nasa isip ko nalang sya. Hope someone save the song para marinig ko ulit sya.
Post a Comment